Mga Estudyant, Guro at mga Residente sa Masbate, Sumailalim sa Pychosocial Activities at Stress Debriefing Matapos Maghasik ng Terorismo ang NPA sa mga Paaralan

Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Dahil sa iniwang takot at trauma ng paghahasik ng karahasan ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Masbate, ay binuo ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) ang Joint Task Force Sagip nitong Marso 27, na siyang nanguna sa pagsasagawa ng Psychological Activities katuwang ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan upang magbigay asestensiya sa mga residente, guro at mag-aaral ng Barangay Locso-an, Placer, Barangay Gaid sa Dimasalang at Barangay Villahermosa sa bayan ng Cawayan, Masbate.


Ang nasabing mga bayan ang lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na pag-atake ng New People’s Army na itinuring nilang tagumpay sa kanilang ika-54 anibersaryo.


Kaugnay nito, kasama ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army sa Task Force Sagip ang 903rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Battalion, Philippine Army, 9th Civil-Miltary Operations Battalion, Camp Elias Angeles Station Hospital (CEASH) katuwang ang Police Regional Office V (PRO-5), PNP Masbate, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) para maghatid ng serbisyong medical, psycho-social at iba pang tulong sa nasabing mga lugar.


Layunin ng nasabing programa na matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa lugar kabilang na rito ang pagsasagawa ng stress debriefing, libreng konsultasyon sa doktor at pamimigay ng mga gamot.


Isinabay rin dito ang pamimigay ng mga tsinelas para sa mga mag-aaral ng Locso-an Elementary School at sa barangay Villahermosa, Cawayan, Masbate. Namigay rin ang nasabing mga ahensiya ng pamahalaan ng relief goods sa mga residente. Nasa di bababa sa 500 na mga indibidwal naman ang dumalo sa isinagawang Social Awareness Program partikular na ang Insurgency Awareness Campaign.
Maliban dito, magkakahiwalay naman na Indignation Rally ang isinagawa sa nasabing mga bayan upang kondenahin at ipahayag ng Masbateño ang kanilang galit at pagkasuklam sa mga terorista.


Samantala, naniniwala si Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia (JTFB) na ang mga pangyayari sa Masbate ay pakana ng kalaban upang makalikom ng suporta at magpalaganap ng terorismo upang makapag recruit ng mga estudyante kaya sa mga malapit na paaralan sila naghahasik ng kaguluhan.


“Ang mga pangyayaring ito na inamin ng Rapsing Command ng NPA ay kanilang pakana upang magpalaganap ng terorismo at ipakita ang kanilang presensya para makahikayat pa ng mga recruit galing sa hanay ng mga estudyante at kabataan. Ipinakita nila na talagang walang pakundangan ang kanilang ginagawang pananakot sa ating sambayanan. Kaya patuloy po naming gagawin ang aming mandato matiyak lang namin na hindi malilinlang ng CTG ang Masbateño lalo na ang mga kabataan at mag-aaral,” ani MGen. Bajao.