JTF Central, Wagi sa Photo Contest ng WMC 16th Founding Anniversary

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao – Nakuha ng Joint Task Force Central at ng 6th Infantry (Kampilan) Division ang unang gantimpala sa isinagawang patimpalak sa pagkuha ng larawan sa ginanap na ika-16 na anibersaryo ng Western Mindanao Command nitong ika-28 ng Agosto, 2022.

Ang nasabing larawan ay kuha ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion hinggil sa isinagawa nilang medical at dental mission bilang bahagi ng kanilang Civil-Military Operations (CMO) sa isang liblib na lugar ng Kalamansig, Sultan Kudarat.

Makikita sa litrato na sa kabila ng matinding ulan ay masaya pa ring namahagi ng relief goods ang isang babaeng sundalo na kasapi ng Conqueror troopers sa mga residente ng Sitio Pangyin sa Barangay Hinalaan sa nasabing lalawigan.

Gayunpaman, kahit na malakas ang buhos ng ulan matiyaga pa ring pumipila ang mga katutubo na residente ng lugar.

Ayon sa ulat, ang nasabing sitio ay dating pinamumugaran ng mga rebeldeng komunista pero tuluyan na itong nakuha ng gobyerno dahil na rin sa presensiya ng hukbong katihan. Tuluyan namang naiwaksi ang gawain ng rebelde dahil sa mga outreach program na ginagawa ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan ang 37IB ay pinamumunuan ni Lt. Col. John Paul D Baldomar. Ang kanyang batalyon ay hindi lamang tumutugis sa mga kalaban bagkus ay kaagapay din ng mamamayan sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran katuwang ang bawat lokal na gobyerno.

Masaya namang ipinaabot ni Major General Roy M Galido, ang Commander ng 6ID at JTF Central ang kanyang pagbati sa lahat ng Kampilan troopers lalo na sa kasapi ng 37IB hinggil sa tagumpay na ito. "It is a manifestation that our troops are doing well in their respective units, maybe with camera lights on or even without cameras, you can count on your soldiers at JTF Central to help even during calamities", ang bahagi ng pahayag ng Division Commander.