Camp Siongco, Awang, DOS, Maguindanao – Naging matiwasay at matagumpay sa kabuo-an ang eleksyon sa paghahati ng Maguindanao Province sa dalawang probinsya sa pamamagitan ng plebisito kahapon Setyembre 17, 2022.
Ang tagumpay ng isinagawang plebisito ay isang historical event sa residente ng Maguindanao matapos matupad ang pinapangarap na hatiin ang lalawigan na ika-11 na pinakamalaking probinsya sa Pilipinas kung babasehan ang land area.
Ang Total Plebiscite Certificates of Canvass mula sa lahat ng Municipal Plebiscite Board of Canvassers ay nasa 36 habang ang actual voters na talagang bumoto ay nasa 711,767 mula sa 818,790 Total Number of Registered Voters sa Maguindanao Province. Ang kabuuang turn-out ng mga botante ay nasa 86.93%, ang bumuto ng “YES” ay 706,558 o (99.27%) sa “NO” naman ay 5,209 o (0.73%) at ang resulta ng plebisito ay RATIFIED.
Pinuri naman ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division Commander, Major General Roy Galido ang naging importanteng papel ng mga botante sa lalawigan. Gayun din ang mga Electoral Board members, Comelec personnel, PNP at Army na sinisigurong naipapatupad ang katahimikan sa ginawang plebisito.
“Ikinagagalak at ipinagmamalaki naming sabihin na matagumpay ang Plebisito sa Maguindanao Province na may zero election-related violent incident. Sa lahat ng mga lugar na kami ay na-deploy, ang halalan ay natuloy nang maayos ayon sa naka-iskedyul at nakaplano”, ayon kay Maj. Gen. Galido.
“Ang presensya ng mga security personnel ay nagbigay ng kumpiyansa sa mga tao na bumoto”, dagdag pa na pahayag ni Maj. Gen. Galido.
Ayun naman sa Commission on Election, ang napakataas na voter turn-out ay maiuugnay din sa intensive cooperation at cooperative actions ng COMELEC, DepEd, PNP, AFP at Local Government.
Narito naman ang mga munisipyo na bubuo sa Maguindanao del Norte – Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura at Talitay.
Habang narito naman sa Maguindanao del Sur – Ampatuan, Buluan, Datu Abdullah Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustafa, Sultan sa Barongis, Talayan at South Upi.
Ang capital towns at seats of government ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur ay ang mga munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat at Buluan.