CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Timbog ang isang noturyos na IED expert, bomber at extortionist ng Al Kohbar at DI-Hassan Group sa inilunsad na Joint Army-PNP Law Enforcement Operations sa Barangay Salat, President Roxas, Cotabato nitong madaling araw ng Martes (January 17, 2023).
Sinabi ni Lieutenant Colonel Rommel Mundala, 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Commander, ang suspek nakilala sa pangalang Jordan Akmad alyas Jordan Kamad nasa wastong gulang na may warrant of arrest sa mga kasong Murder at Multiple Frustrated Murder.
“Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng suspek dahil sa mga nagawa nitong krimen. Nasa counterpart natin sa President Roxas Municipal Police Station ang pag-asikaso ngayon sa suspek”, ayun kay Lt. Col. Mundala.
Ayun kay 602nd Infantry Brigade Commander Colonel Donald Gumiran, sangkot ang suspek sa bombing incident sa Kabacan, Cotabato at Ecoland Bus Terminal, Davao City. Kasama rin niya si Ali Akbar, ang pinuno ng Al Khobar na naaresto noong June 21, 2021 sa bisa ng warrant of arrest at bilang isa sa mga utak sa pambobomba ng YBL Bus sa Tulunan, Cotabato noong Enero 27, 2021 at ang panununog ng YBL Bus sa M'Lang, Cotabato noong Hunyo 3, 2021 na pumatay sa apat (4) na inosenteng sibilyan.
“Hindi titigil ang pwersa ng gobyerno sa paghuli ng mga terorista at iba pang grupo na humahadlang sa kaunlaran, kaayusan at katahimikan sa ating lugar”, pahayag ni Col. Gumiran.
Binigyang diin ni Major General Roy Galido, Joint Task Force Central at 6ID Commander na nakahanda ang kasundalohan para suportahan ang pulisya sa pagsunod ng mandato na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.
“JTFC were always ready to perform given task and supports the PNP in Joint Law Enforcement Operations in Central and South-Central Mindanao”, pahayag ni Maj. Gen. Galido.