2 lokal na terorista, patay matapos na manlaban sa awtoridad

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Napatay ang dalawang lokal na terorista makaraang manlaban sa mga awtoridad na magsisilbi lang sana ng warrant of arrest sa Barangay Talcon, T’ boli, South Cotabato.
Kinilala ang mga nasawi na sina Yasser Catacutan alias Kardo at Eizar Emam. Si Catacutan ay nahaharap sa kasong Murder dahilan para babaan ito ng lokal na korte ng warrant of arrest.
Sa ulat ng 5th Special Forces Battalion, sa halip na sumuko ng maayos, nakipagbarilan ang suspek sa tropa ng pamahalaan madaling araw nitong Lunes (May 20, 2024) na kinabibilangan ng mga operatiba ng 10th Special Forces Company kasama ang mga pulis mula sa T’Boli Municipal Police Station.
Matapos ang halos sampung minutong palitan ng putok, nakitang bumulagta ang dalawang mga suspek habang sugatan naman ang isang sundalo.
Nagawa pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga suspek at ang sugatang sundalo. Pero ang dalawang mga suspek ay di na umabot pa nang buhay, habang nasa maayos na kalagayan naman ang sugatang sundalo.
Nakuha naman mula sa mga suspek ang isang Cal .45 Pistol, at isang plastic container na may blasting cap na may baterya sa loob.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Alex S. Rillera, ang pinuno ng 6ID at JTF-Central, ang katapangan at dedikasyon ng mga tropa para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa kanayunan. “Ang pagkakatunton at pagkakapaslang sa mga naturang lokal na terorista ay resulta ng pinaigting na pagtutulungan ng ating kasundaluhan at kapulisan, kaagapay ng mamamayan at lokal na opisyal ng pamahalan upang wakasan na ang banta ng terorismo sa ating rehiyon. ang matagumpay na operasyon ay isang patunay na patuloy na nangingibabaw ang katarungan sa ating lugar. Nagpupugay din tayo sa ating sundalo na nasugatan sapagkat sa kabla ng matinding panganib ay buong sigasig niya na tinupad ang kanyang tungkulin,” wika ni Maj. Gen. Rillera.