CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Nasamsam ng mga kasundaluhan ang mga inilibing na armas ng teroristang komunista sa Sitio Mudti, Barangay Chua, Bagumbayan, Sultan Kudarat umaga nitong Huwebes (May 23, 2024).
Ang mga armas na ito ay kinabibilangan ng isang M16 rifle, isang M14 rifle at dalawang Caliber .45 pistol.
Naging susi ang pakikipagtulungan ng mga residente ng naturang barangay sa pagkakatuntun ng mga nasabing armas dahil sa malaking tiwala ng mga ito sa kasundaluhan ng 7th Infantry (TAPAT) Battalion, na patuloy sa pagsasagawa hindi lamang ng mga security patrols sa mga komunidad, kundi pati na rin ang masinsinang pakikipag-ugnayan sa mga opisyales at residente ng mga barangay na siniserbisyuhan nito.
Ayon kay Major General Alex S. Rillera PA, ang pinuno ng 6ID at JTF-Central, patunay ito na ayaw na ng mga residente na muling magkaroon ng presensya ng mga komunistang terorista sa kanilang komunidad.
“Patuloy na makikipag-ugnay ang ating kasundaluhan sa mga residente at barangay officials para magkaroon ng katiwasayan sa kanilang lugar laban sa mga NPA,” wika ni Maj. Gen. Rillera. Dagdag pa ng Division Commander, dahil sa mga timbre at sumbong ng mga mamamayan, hindi lamang mga ibinaong armas at gamit pandigma ang sa kalaunan ay matutunton ng pwersa ng pamahalaan, kundi maging ang kinaroroonan ng mga natitira pang myembro ng komunistang terorista dito sa rehiyon. Kung kaya, matuloy na hinihikayat ng pamahalaan na magbalik-loob na ang mga ito at itakwil na ang walang patutunguhang armadong pakikibaka at terorismo, bago pa maging huli ang lahat. Ilang matataas na pinuno na rin ng komunistang terorista ang napaslang dulot ng pinaigting na operasyong militar ng goberyono sa mga nakaraang araw lamang sa Rehiyon 12, kundi sa iba't-ibang panig ng bansa.