4 NA SUNDALO, GINAWARAN NG MEDALYA NG SUGATANG MAGITING NA KAWAL

 

Walang iba, kundi ang Punong Heneral ng 5ID at ng Joint Task Force TALA, na si MGen Paul Talay Atal, D.P.A, AFP ang siyang nag gawad ng mga medalya na may kasamang grocery at 5,000 pisong pera bilang financial assistance buhat sa Star Fund (Star Trooper Active Relief Fund).

Ang apat na sundalo na nasugatan sa digmaan at nagpamalas ng kanilang katapangan ay sina Sergeant Joselito P Felipe, tubong Isabela; Private First Class John Cris M Dangatag, tubong Kalinga; PFC Richard A Panga-or, tubong Mt Province at Private Henry B Camatcho ng Isabela.

Pinuri at kinilala naman ni MGen Atal ang katapangan na ipinamalas ng apat, kasama na ang kanilang mga kasamahan na kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng operasyon. “Kayo ay mga bayani na dapat tularan. Ang pagkakasugat ninyo sa digmaan, ay maging hamon sana sa inyo na mas lalo pang gampanan ang inyong tungkulin sa paglilingkod sa bayan” sambit ni MGen Atal. “Huwag din nating kalimutang magpasalamat sa Panginoon sa panibagong buhay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Palagi nating hingin ang Kaniyang dakilang pagsubaybay” dagdag pa ni MGen Atal.

Kung matatandaan, nuong Hulyo 4, nakasagupa ng 50th Infantry Battalion ang hindi bababa sa 20 na kasapi ng Komunistang-Teroristang-NPA sa Brgy Balatoc, Pasil, Kalinga na ikinasugat nga ng apat, samantalang hindi pa tukoy sa mga oras na ito kung ilan ang sugatan sa panig ng mga kaaway.

Sa kabilang banda, ilang oras bago pa ang nasabing enkwentro, isang labanan din ang nangyari sa Brgy Wagud, Pinukpuk, Kalinga kung saan ang panig ng 50IB ay nakarekober ng isang Cal.30 US Carbine, dalawang magasin, at apat na homemade landmines pagkatapos na umatras ang mga komunistang terorista.

Patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng mga kasundaluhan upang tugisin ang mga nagsipagtakas na kasapi ng mga KT-NPA. #