Noong ika-30 ng Hulyo, taong kasalukuyan, walang pakundangang sinilaban ng mga ekstorsyonista, bandido at teroristang CPP/NPA ang isang unit ng Komatsu backhoe at isang payloader na pag-aari ng Medalla Construction sa Siaton River, Brgy. Katikugan, Siaton, Negros Oriental. Matapos maisagawa ang panununog, sumigaw pa ang mga CPP/NPA ng “Mabuhay ang CPP/NPA!” sabay paulan ng bala ng M16 rifle sa naturang mga kagamitan. Ang pagsigaw nila ng “Mabuhay ang CPP/NPA!”ay nangangahulugan ng kanilang pagbubunyi dahil may nasira namang mga gamit pangkabuhayan at pangkaunlaran; “Mabuhay” dahil marami namang pamilya ang maghihirap matapos mawalan ng trabaho o hanap buhay; “Mabuhay” ang paghadlang nila sa kaunlaran; “Mabuhay” silang mga magnanakaw na nagnanakaw ng pinaghirapan ng mga taong bayan; at, “Mabuhay” ang kanilang hanay dahil nagagawa nila ang kanilang mga kagustuhan na pabor sa makasarili nilang interes at ipinagbubunyi nila ito dahil nangangahulugan ito ng paghihirap ng taong bayan!
Ang panununog ng mga bandido at teroristang CPP/NPA sa naturang mga heavy equipment ay hindi lamang paninira sa ari-arian at kabuhayan ng nagmamay-ari kundi paninira rin sa hanap buhay at ikinabubuhay ng mga karaniwang mamamayan at sa inaasam-asam na kaunlaran ng taong bayan. May dala rin itong tinatawag na “domino effect” sa ating lipunan. Sa naturang panununog, nawalan ng ari-arian ang may-ari ng mga sinunog na heavy equipment. Dahil sunog at sira na, hindi narin ito magagamit sa pagpapatayo ng mga proyekto at ang mas malala, naging hadlang ito sa mabilis sana na konstruksyon ng mga proyektong pangkaunlaran. Nawalan rin ng trabaho o hanap buhay ang operator ng backhoe at payloader na inaasahan nila sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Mawawalan rin ng trabaho ang mga manggagawa na maapektuhan sa paghinto ng konstruksyon ng isang proyekto kung saan ginagamit ang naturang mga heavy equipment. Kung mawalan ng trabaho ang mga manggagawa dahil sa panununog ng mga CPP/NPA, nangangahulugan ito ng paghihirap ng kanilang mga pamilya hanggang sa umabot sa punto na pati ang kanilang mga anak ay hihinto na rin sa pag-aaral dahil hindi na kayang tustusan ang kanilang pag-aaral. Dahil dito, lalong lalawak ang saklaw na kahirapan at tataas ang bilang ng out-of-school youth. Kung naghihirap ang mamamayan, natutukso at napipilitan silang gumawa ng ibat-ibang krimen tulad ng pagnanakaw, pagbebenta ng iligal na droga at iba pa. Ito ang tinatawag na “domino effect” ng panununog ng mga bandido at teroristang CPP/NPA na sumisira hindi lamang sa mga ari-arian, kabuhayan at proyektong pangkaunlaran kundi mismo sa kinabukasan ng mamamayan at ng kanilang mga pamilya.
Naging kultura na ng mga bandido at teroristang CPP/NPA ang walang pakundangang panunog hindi lamang sa Isla ng Negros kundi maging sa buong bansa na malinaw na gawaing terorista ayon sa Human Security Act kung saan tinukoy ang Arson o panununog na isa sa mga krimen na maituturing na isang anyo ng terorismo. Patunay dito ang iba pang kaso ng panununog ng CPP/NPA sa ibat-ibang bahagi ng bansa nitong buwan lamang ng Hulyo.
Nitong nakaraang Hulyo 27, marahas din ang panununog ng mga bandido at teroristang CPP/NPA sa dalawang bulldozer at backhoe sa isang construction site sa Barangay Gacepan, Surigao del Norte na pagmamay-ari ng kompanyang Charlez Construction. Sa parehong petsa, sinunog din ng mga halang na NPA ang dalawang container van ng DOLE Philippines sa Sitio Mamparason, Brgy. Banahao, bayan ng Lianga sa Surigado Del Sur.
Ang panununog na ito ang nagpapatunay na ang mga CPP/NPA ang tunay na tagasira ng mga ari-ari-an, kabuhayan at kinabukasan ng mamamayan at tagahadlang sa kaunlaran.
Patunay din ng hayagang pagkontra at pagsira ng mga bandido at teroristang CPP/NPA sa kaunlaran at kinabukasan ng taong bayan ang pagsunog nila sa napakaraming construction equipment tulad ng dump trucks at backhoes na pagmamay-ari ng Newington Builders, Inc at Tagala Construction sa Barangay New Canipo, Palawan nitong Hulyo 21 lamang.
Maliban sa Palawan, nakatikim din sa malupit na kamay ng mga bandido at teroristang CPP/NPA ang probinsya ng Quezon nang sinilaban ng mga ito ang isang payloader, tatlong Elf truck at isang cement mixer na pagmamay-ari ng RTY Construction Company sa bayan ng Lopez noong nakaraang Hulyo 16.
Hindi rin pinalagpas ng mga CPP/NPA ang bunkhouse ng Ramona Construction Firm sa Dumingag, Zamboanga del Sur kung saan umabot sa tatlong milyong peso ang halaga ng mga sinunog nilang heavy equipment na kinabibilangan ng isang unit ng Mitsubishi Canter, isang unit ng Mitsubishi mini dump truck at isang Isuzu dump truck noong ika-10 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Dagdag pa rito ang planong pananabotahe ng mga CPP/NPA sa hydroelectric power plant sa Luisiana, Laguna kamakailan lang. Hindi sila nagtagumpay sa kanilang planong panununog sa naturang power plant dahil nagresponde agad sa lugar ang tropa ng 80th Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division pagkatapos na matanggap ang report mula sa mga responsableng mamamayan ng naturang probinsya. Sa tulong ng mga sundalo, nailigtas ang mga mamamayan sa Laguna mula sa nagbabadyang kapahamahakan at malawakang pinsala tulad ng kawalan ng trabaho at mahabaang takot at pangamba na maaring maidulot ng panununog ng mga bandido at teroristang CPP/NPA.
Ang mga nabanggit na karahasan ng CPP/NPA sa loob lamang ng naturang buwan ay sumira sa milyong-milyong halaga ng mga ari-arian na nagdulot ng malawakang pinsala sa lipunan kung saan maraming proyektong pangkaunlaran ang nasira. Dahil dito, nahadlangan ang tuloy-tuloy sana na pagkamit ng kaunlaran. Maraming karaniwang mamamayan ang nawalan ng trabaho na nangangahulugan ng malawakang kahirapan sa bansa. Ito ay mga katibayan na walang magagandang naitulong ang mga CPP/NPA sa loob ng halos maglilimampung taong marahas nilang pakikibaka. Bagkus, nilugmok nila ang mga mamamayan sa kaguluhan, karahasan at labis na kahirapan. Halos hindi na mabilang ang mga karahasan ng mga bandido at teroristang CPP/NPA lalo na ang kanilang panununog sa buong bansa. Dahil kaya nilang gawin ito ng sunod-sunod sa loob lamang ng isang buwan, ito ay patunay na wala na silang pagmamalasakit hindi lamang sa kanilang kapwa at bansa kundi maging sa kanilang sariling pamilya. Patunay lamang ito na halang na ang kanilang mga kaluluwa at tuluyan ng binalot ng marahas at makasariling ambisyon ang kanilang puso at diwa.
Samantala, hindi rin malilimutan ng mga Ilonggo at Negrense ang panununog ng mga CPP/NPA sa Isla ng Panay at Negros noong mga nagdaang taon. Kabilang dito ang pagsunog nila sa mga heavy equipment na pagmamay-ari ng Century Peak sa Bayan ng Igbaras, Iloilo noong Disyembre 2015. Ang naturang mga heavy equipment ay ginagamit sa itinatayong mini-hydro project sa naturang bayan.
Habang noong Hunyo 2014, niransak at pinasabugan ng mga bandido at teroristang CPP/NPA ang transloading station ng Lopez Sugar Corp sa Sitio Santa Ana, Brgy. Mabini sa lungsod ng Escalante, Negros Occidental.
Umabot naman sa sampung milyong peso ang halaga ng nasirang kagamitan sa panununog ng mga CPP/NPA sa transloading stations ng Central Victorias at Central Lopez sa Brgy. San Jose Toboso, Negros Occidental noong ika-16 ng Marso 2008. Ayon sa mga otoridad, hindi pinagbigyan ng dalawang kompanya ang pangingikil ng mga kawatan na CPP/NPA kaya sinilaban ng mga ito ang kanilang mga ari-arian.
Hinagupit din ng kalupitan ng mga CPP/NPA ang dalawang traktora ni Mr Antonio Jalandoni Montilla na sinilaban nila sa Hacienda Marianas, Brgy. Caduhaan, Cadiz City noong ika-07 ng Enero 2007.
Isang buwan lang ang nakalipas, sinunog din ng mga CPP/NPA ang dalawang traktora sa Hacienda Gamboa na matatagpuan sa nabanggit din na barangay matapos na tumanggi ang may-ari na magbigay ng isang milyong piso na extortion money.
Batay sa mga binanggit ko na pangyayari, malinaw na ba ngayon kung sino ang tunay na sumisira sa kaunlaran at kinabukasan ng mamamayan? Oo, malinaw na malinaw na ang mga bandido at teroristang CPP/NPA ang siyang sumisira sa pinagsisikapan nating lahat na tungo sana sa inaasam-asam nating kaunlaran. Hangad nating lahat ang tuloy-tuloy na kaunlaran ngunit patuloy din itong hinahadlangan ng mga makasariling bandido at teroristang CPP/NPA. Sinisisi nila sa ating demokratikong pamahalaan ang umano’y malawakang kahirapan sa bansa at hindi umuusad na ekonomiya. Pero kung pag-aralan nating mabuti, sila na mga CPP/NPA ang tunay na nagdadala ng kahirapan sa ating lipunan. Hinahadlangan ng mga CPP/NPA ang tuloy-tuloy na pagpasok ng mga mamumuhunan sa bansa na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga karaniwang mamamayan. Dahil sa pananabotahe ng mga bandido at teroristang CPP/NPA sa mga pribadong ari-arian at kagamitan ng mga mangangalakal, ito ay nagdulot ng takot at pangamba sa mga negosyanteng dayuhan na balak na mamumuhunan sa ating bansa. Sa halip na dadami, lalong nababawasan ang bilang ng mga namumuhunan sa ating bansa na magdudulot din ng malawakang pagkakatanggal sa trabaho ng marami sa ating mga kababayan. Kung marami ang walang trabaho, marami rin ang maghihirap.
Ngayon, dapat ba itong ikatuwa at ipagbunyi ng mga bandido at teroristang CPP/NPA? Hindi, dahil hindi lamang mga karaniwang mamamayan ang malilibing sa halos walang katapusang karahasan at labis na kahirapan kundi maging ang kanilang sariling pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. At dito na mapagtanto ng mga CPP/NPA na kahit sarili nilang pamilya ay hindi nila kayang iligtas sa marahas na epekto ng kanilang madugong pakikibaka. At ang masakit, darating at darating ang panahon na mismong mga kamay nila ang lalagot sa buhay ng kanilang mga minamahal. Ika nga, what goes around, comes around!
Sa panig naman ng mga biktima ng panununog at pananabotahe ng mga bandido at teroristang CPP/NPA, nawalan man sila ng mga ari-arian at kagamitan, ang pagtanggi ng mga kompaniya at pribadong indibidwal na magbigay sa pangingikil ng mga CPP/NPA ay nagpapakita lamang ng kanilang pagtututol at pagsasawa sa marahas at walang saysay na idelohoya ng Komyunismo dito sa Pilipinas. Patunay lamang na handa nilang itakwil ang CPP/NPA at ang mga pinaglalaban nito kahit na ang kapalit ay ang pagkawala ng kanilang kabuhayan o ari-arian.
Dahil dito, dapat na nating itakwil ang bandido at teroristang CPP/NPA sa ating mga komyunidad. Kayang-kaya natin silang itakwil at pagtabuyan sa ating mga komunidad ang mga salot na ito. Kung walang magbibigay sa kanila ng extortion money, darating ang panahon na babagsak sila dahil nabubuhay lamang sila mula sa kinikikil nilang pera. Nabubuhay sila dahil sa perang pinaghirapan ng mamamayang Pilipino na kanilang ninakaw.
Kababayan, sa ating mga kamay nakasalalay ang pagbagsak ng mga traydor, kawatan, ekstorsyonista, kriminal, bandido at teroristang CPP/NPA! Huwag kang matakot na tumanggi sa pangingikil nila. Kung lahat tayo ay tatanggi sa kaliwat-kanan nilang pangingikil, mawawalan sila ng kabuhayan at tuluyan ng mamamatay ang organisasyon nila.
Magbigay tayo ng impormasyon sa mga myembro ng ating security sector tulad ng ginawa ng mga mamayan sa Laguna kung saan matagumpay na napigilan ang planong panununog ng mga CPP/NPA sa hydroelectric power plant. Dahil sa aktibo nilang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa naturang plano, nasira ang plano ng mga terorista. Kung lahat tayo ay magbigay ng impormasyon tungkol sa galaw at lokasyon ng mga CPP/NPA, darating ang panahon na wala na silang matatakbuhan. Darating ang panahon na wala ng magpapakain at kukupkop sa kanila hanggang sa tuluyang mawalan na sila ng kakakayahang makipaglaban. Tuluyan silang babagsak at malulugmok sa lupa. Tandaan, ang ating pagkakaisa at pagtutulungan ang siyang pinakamabisang bitag na makahuli at makapagpabagsak sa mga bandido at teroristang CPP/NPA!
On the other hand, we strongly recommend to the businessmen and private companies who are victims of CPP/NPA atrocities that they invest on security; investing in security means hiring of credible blue guards from trustworthy security agencies. It also means supporting our security forces especially our CAFGUs and BPATs, our reliable territorial forces on the ground helping address peace, order and security concerns especially in the far-flung barangays. Afterall, our CAFGUs and BPATs are our first responders if there is an untoward incident that happens in an area.