Bagong Pinuno Itinalaga Sa 9ID (3)

Camp Elias Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur- Bagong pamumuno ang sumalubong sa pagpasok ng taon para sa 9th Infantry (Spear) Division matapos ang isinagawang Change of Command ceremony kung saan pormal na itinalaga bilang Commander ng unit si Major General Adonis R. Bajao, nitong Linggo, Enero 08, 2023.

Sa nasabing seremonya ay pormal na pinalitan ni MGen. Bajao, ang kasalukuyang Vice-Commander ng Philippine Army, bilang pinuno si Brigadier General Jaime A. Abawag Jr., ang nakatalagang Acting Commander ng nasabing unit, na sa ngayo’y muling itinalaga bilang Assistant Division Commander (ADC).

Ang nasabing seremonya ay pinangunahan mismo ng Punong Heneral ng Philippine Army na si Lieutenant General Romeo Brawner Jr. Sa kanyang talumpati bilang bagong talagang lider ng 9ID, binigyang diin ni MGen. Bajao ang kanyang mga plano at pangunahing layunin lalo na sa pagsugpo ng insurhensiya sa rehiyon ng Bicol at ang responsibilidad ng Spear Troopers na pangalagaan at ipreserba ang kapayapaan.
“Papagtibayin po natin ang ating mga institusyon na nandito sa ating komunidad, ang local government, ang ating mga Local Chief Executives, Non-Government Organizations, Civil-Society Organizations, private sectors, and even the academe, the media, the church. Tulungan nating mapagpatibay ito, ito ang katulong natin maliban sa mga sibilyan na sector, upang matulungan ang ating mga kasamahan na nalihis ng landas,” ani MGen. Bajao.

Idinagdag rin ni MGen. Bajao na hindi nalalayo sa kanyang puso ang pagsisilbi sa Bicolandia, dahil ito'y nagi niya ring tahanan ng ilang taon nang siya ay magsilbing ADC ng 9ID sa ilalim ng pamumuno noon ni Major General Henry Robinson Jr. at OIC matapos ang termino ng nasabing heneral noong 2020.

Si MGen. Bajao ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) “Makatao” Class ng 1989. Siya rin ay nakapagtapos sa Development Academy of the Philippines ng Master’s degree in Public Management at ng Doctorate in Public Administration sa University of the Philippines.

Subok na rin ang pamumuno sa Hukbong Sandatahan ng nasabing opisyal sa loob ng mahabang panahon, matapos niyang pamunuan ang iba’t-ibang military units. Ilan sa mga ito ay ang pagiging Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations (CMO) sa 8th Infantry Division, Commander ng 1002nd Infantry Brigade, at Joint Task Force General Santos City. Siya rin ay naging Internal Auditor ng AFP bago nya pamunuan ang kasalukuyang unit.