Apat patay sa pag-guho ng lupa sa Gen. Nakar, Quezon; Retrieval operation, isinagawa ng Philippine Army at Philippine Airforce
Nagsagawa ng retrieval operations ang mga kasundaluhan ng Philippine Army at Philippine Airforce matapos makumpirma ang apat na nasawi sa nangyaring pagguho ng lupa sa Sitio Angelo, Brgy Umiray sa Gen. Nakar, Quezon nito lamang Oktubre 25, 2023.
Nagtulong-tulong ang mga residente, mga barangay officials ng Brgy Umiray, mga kasundaluhan ng 80th Infantry Battalion, Philippine Army at Tactical Operations Group 4 ng Philippine Airforce sa pagsasagawa ng search and rescue at retrieval operations sa nasabing lugar.
Base sa ulat, nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima bago gumuho ang lupa malapit sa isang creek. Ang mga pag-ulan kamakailan sa lugar ang itinuturong sanhi ng paglambot at pag-guho ng lupa dito.
Kinilala ang mga napatay na sina Romel Binalao, 49 taong gulang; Sheryl Delos Angeles, 37 taong gulang; Jonathan Delos Angeles, 39 taong gulang; at Dionelyn Datario, 36 taong gulang na pawang mga residente ng nasabing lugar. Agad namang tinungo ng dalawang helicopters ng Philippine Airforce ang lugar upang kunin ang labi ng mga biktima at idinala sa himpilan ng 2nd Infantry Division, Philippine Army.
Samantala, personal namang nagpaabot ng pakikiramay si General Nakar Mayor Hon. Eliseo Ruzol, mga kinatawan ni Quezon Provincial Governor Hon. Angeline “Doktora Helen” D.L Tan maging mga representante mula sa pamahalaang lokal ng Tanay kasabay ng pagbibigay ng mga ito ng paunang tulong pinansyal para sa mga naulila ng mga nasawi sa nangyaring pagguho.
Lubos namang nagpapasalamat ang mga kaanak ng mga nasawi sa agarang tulong at suporta na kanilang natanggap mula sa pamahalaan at mga kasundaluhan.
Nagpaabot din ng pakikiramay si 2ID Commander Maj. General Roberto S. Capulong sa mga kaanak ng mga nasawi at siniguro ang suporta para sa mga ito.
Pinuri rin ni Maj. General Capulong ang mabilis na aksyon ng mga residente, barangay officials, mga kasundaluhan ng Philippine Army at Philippine Airforce dahil sa kanilang mabilis na pag responde sa nangyaring insidente. Aniya, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa lalo na sa mga ganitong pangyayari.