Dalawang Opisyal ng NPA, nahuli ng mga kasundaluhan sa Oriental Mindoro

Dalawang Opisyal ng NPA, nahuli ng mga kasundaluhan sa Oriental Mindoro

CAMP CAPINPIN, Rizal – Timbog ang dalawang lider ng New People’s Army matapos ang isinagawang operasyon ng mga kasundaluhan sa Mansalay, Oriental Mindoro nitong Miyerkules, April 26, 2023.

Habang nagsasagawa ng combat operation ang mga kasundaluhan ng 4th Infantry Battalion sa Sitio Haguines, Barangay Wasig sa nasabing bayan, ng mahuli ng mga ito sina Ka Aryo, na syang second Deputy Secretary ng KLG MAV ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4D at si Alias Luoise, na syang supply officer ng KLG MAV’s Platun Serna at dating liaison ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Regional Staff ng New People’s Army.

Nakuha din sa mga nahuling NPA ang mga gamit pandigma na kinabibilangan ng isang UZI sub-machine gun, isang M1 Carbine rifle, mga bala, isang improvised hand grenade, 2 blasting caps, 8 mobile phones, isang mobile tablet, 2 power banks, 6 cellphone chargers, pocket wifi, 2 memory cards, 7 USB flash drives, 4 sim cards, medical supplies, mga subersibong dokumento at mga personal na kagamitan.

Kasalukuyan namang ginagamot at nasa pangangalaga ng 4th Infantry Battalion ang mga nahuling rebelde kasabay ng ginagawang custodial debriefing sa mga ito.

Nitong Abril 25, walang awang pinatay ng mga rebeldeng NPA ang isang sundalo na nakatalaga sa 4IB habang dinukot naman noong Enero 26 at Pebrero 10 ang dalawang CAA sa Mindoro. Isang CAA rin ang karumal-dumal na pinatay ng mga rebeldeng NPA sa kanyang bahay nito lamang Abril 3.

Ang mga serye ng pagdukot at walang awang pagpatay ng mga rebelde ay nagpapatunay sa karahasan ng CPP-NPA-NDF. Nagpapakita din ito na hindi kailan man ginagalang ng mga rebelde ang karapatan ng bawat tao.

Ayon naman kay 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj Gen. Roberto S. Capulong, “Kasalukuyang nakikipag-ugnayan tayo sa ating mga kaagapay sa lokal na pamahalaan, mga sangay ng gobyerno at key stakeholders sa pagpapatupad ng batas.  Nagpapasalamat tayo sa tulong at kooperasyon ng ating mga kababayan na naging daan para mahuli ang mga rebeldeng NPA.  Atin ding hinihikayat ang mga natitirang rebelde na magbalik loob na at makipagtulungan sa ating gobyerno upang makamit natin ang kapayapaan”.

#JungleFighter
#KapayapaanKatahimikanKaunlaran