Isang dating NPA leader, itinuro ang mga nakatagong gamit pandigma sa Batangas

Isang dating NPA leader, itinuro ang mga nakatagong gamit pandigma sa Batangas

CAMP CAPINPIN, Rizal – Isang dating pinuno ng NPA, itinuro ang taguan ng mga armas ng mga rebelde sa Taysan, Batangas noong Martes, Mayo 9, 2023.

Agad nagsagawa ng operasyon ang mga kasundaluhan ng 59th Infantry "Protektor" Battalion matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang dating NPA leader na si alyas Sayko, patungkol sa mga itinago nitong armas sa Brgy. Guinhawa, Taysan, Batangas. Ayon pa sa dating NPA, itinago nya ang mga armas sa kadahilanang parami ng parami ang mga umaalis na rebelde sa armadong kilusan. Isa rin aniya itong paraan upang mabawasan ang dala nilang armas sa operasyon.

Ang mga narekober na gamit pandigma ay kinabibilangan ng tatlong upper receivers ng M16 at isang improvised explosive device o IED. Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang mga kasundaluhan sa Batangas PNP para sa wastong disposisyon ng mga narekober na gamit pandigma. Matatandaang si alyas Sayko ay nahuli kamakailan at kasalukuyang nakikipag tulungan sa mga kasundaluhan hinggil sa mga kinaroroonan ng mga nakatagong gamit pandigma ng mga NPA. Sya rin ang nagturo sa mga narekober na armas sa ibat ibang bahagi ng Batangas noong Abril 1, 8, 16 at 30 na aniya ay gagamitin sana ng mga rebelde para sa kanilang mga iligal na aktibidad laban sa tropa ng pamahalaan sa lugar.

Ayon naman kay 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. General Roberto S. Capulong, “Ang pagkakadiskubre ng mga gamit pandigma dahil sa impormasyong ibinigay ng isang dating NPA ay isang patunay ng lumalagong tiwala ng mamamayan sa kampanyang pangkapayapaan ng pamahalaan. Nagpapasalamat rin kami sa mga pamahalaang lokal, mamamayan at key stakeholders dahil sa kanilang tulong at inisyatiba na mapigilan ang mga iligal na aktibidad ng mga rebeldeng komunista. Patuloy din kaming nananawagan sa mga natitirang NPA na sumuko upang sila’y makapag-umpisang mamuhay ng normal kasama ang kani-kanilang mga pamilya.”

#JungleFighter
#KapayapaanKatahimikanKaunlaran