Karumal-dumal na pagpatay sa isang sundalo at isang CAA sa Mindoro, mariing kinondena ng 2ID
Mariing kinondena ng pamunuan ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ang serye ng pagpaslang ng mga miyembro ng New People’s Army sa isang sundalo at isang CAA ngayong buwan ng Abril sa Mindoro.
Ito’y matapos walang awang patayin ng mga rebeldeng NPA si Pvt Mayuay Onaw habang papauwi, kasama ang dalawang anak at apat pang ibang sibilyan sa Sitio Mantay, Brgy. Monteclaro nito lamang Abril 25.
Papauwi na sana mula sa pamimili ng construction supplies si Pvt. Onaw na naka-assign sa 4IB na nakasibilyan at walang dalang armas at nakabakasyon lamang, nang
paputukan sila ng mga armadong indibidwal. Nagawang makatakas ng anim na biktima habang dinukot, samantalang piniringan at brutal na pinatay naman si Pvt Onaw.
Kilala bilang isang matulungin na miyembro ng tribong Tau-Buhid si Pvt. Onaw sa kanilang komunidad at malaki rin ang kanyang naging ambag hindi lamang sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa kanilang lugar kundi lalo na sa pagtulong sa kanyang mga ka-tribo.
Samantala, matatandaang si CAA James Ageles ay walang awang pinatay rin matapos kaladkarin at pagsasaksakin ng mga NPA sa kanyang bahay sa Sitio Kintangan sa barangay Iriron nito lamang Abril 3. Base sa ulat, pinangunahan nina Regional Operations Command head alias Saylo, Sub-Regional Military Area 4D Secretary alias Insay, Main Regional Guerilla Unit leader alias Busay, at SRMA 4D’s Platun Serna leader alias Lino ang brutal na pagpatay kay CAA Angeles na lubos namang ikinagalit ng mga kaanak nito.
Si CAA Donald Arieta naman ay napaulat na nawawala noong Pebrero 10 habang nangangaso sa Sitio Siraco sa barangay San Vicente, Oriental Mindoro. Samantala, si CAA Ruffy Avila kasama ang dalawang sibilyan na kinilalang sina Solomon Puroginto at Jolas Avila ay naiulat ding nawawala noong Enero 26 habang nangangaso rin sa Sitio Balan sa Barangay Ligaya, Sablayan Occidental Mindoro. Ang tatlo ay pawang mga katutubong Tao Buhid na residente ng Sitio Pusog, barangay Brigada ng nasabing bayan.
Ang sunod-sunod na insidente ng pagkawala ng mga CAA kasama ang mga sibilyan sa Mindoro ay inuu-ugnay sa bagong modus ng mga miyembro ng New People’s Army na “Oplan Paglilinis-Base Hatol Pamamarusa” na layong maghatid ng takot at kaguluhan sa mga komunidad.
Ang serye ng pagpatay ng NPA sa mga kasundaluhan at katutubo sa Mindoro ay hindi lamang lantarang sa karapatang pantao kundi sa mga katutubong namumuhay ng payapa at tahimik.
Lubos naman ang pakikiramay ni 2ID Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong sa mga pamilya at kaibigan ni Pvt. Onaw at CAA Angeles matapos na karumaldumal na patayin ng mga rebeldeng NPA. Aniya, patuloy silang magbibigay ng tulong sa mga naulila nina Pvt. Onaw at CAA Angeles kasabay ng pagsiguro ng hustisya para sa mga biktima. Hinikayat rin nito ang Commission on Human Rights at iba pang human rights advocacy groups na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa hindi makataong gawain ng mga miyembro ng New People’s Army.
Samantalang ang mga 2ID troopers ay walang pag-iimbot na ginagamot at binubuhay ang CPP-NPA-NDF na nahuhuli at nasusugatan sa labanan, ang mga teroristang CPP-NPA-NDF ay walang awang pumapatay sa mga walang laban at payapang katutubo ng Mindoro.
Nagbigay paalala rin si Maj. Gen. Capulong, sa mga komunidad na maging mapagmatyag at alerto hinggil sa bagong modus ng mga rebeldeng komunista.
#JungleFighter
#KapayapaanKatahimikanKaunlaran