CAMP CAPINPIN, Rizal – Anim na mga kasapi ng Milisyang Bayan ng Socorro, Oriental Mindoro, nagbalik-loob sa pamahalaan nitong ika-10 ng buwang kasalukuyan, sa ganap na ika-apat ng hapon.
Ang nasabing pagsuko ng mga MB ay naisagawa sa pagtutulungan ng 203rd Infantry Brigade at ng Task Force-ELCAC ng Barangay Fortuna ng nasabing bayan. Ayon pa sa ulat, ang mga nasabing nagbalik-loob ay pawang mga residente ng Sitio Tigao ng Barangay Fortuna at narecruit sa ilalim ng nabuwag na Komite Larangang Gerilya ICM ng SRMA-4D sa ilalim ng Southern Tagalog Regional Party Committee.
Sa pahayag ni Major General Rowen S Tolentino, ang pinuno ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army ay kaniyang ipinaabot ang mainit na pagtanggap sa mga nagbalik-loob at kaniya ring muling ipina-alala sa mga natitira pang miyembro ng New People’s Army ang imbitasyon ng gobyerno na sila ay magbalik loob na sa pamahalaan.
Ang mga sumuko ay di muna pinangalanan para sa kanilang kaligtasan at kasalukuyan namang tinutulungan ng local na pamahalaan ng Socorro at mga kasundaluhan na mai-proseso ang kanilang mga benepisyong matatangap sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.