Pagkakapatay ng NPA sa 5 CAA matapos ang pananambang sa Quezon, mariing na kinondena ng 2ID
Mariing kinondena ng 2nd Infantry "Jungle Fighter" Division, Philippine Army ang walang awang pagpatay ng mga miyembro ng New People’s Army sa limang CAFGU Active Auxiliary members at pagkakasugat ng isang sundalo at dalawa pang CAA matapos ang pananambang ng mga ito malapit sa boundary ng Labo, Camarines Norte at Tagkawayan, Quezon nito lamang Setyembre 1, 2023.
Habang nagsasagawa ng patrolya ang isang pangkat ng mga kasundaluhan ng 85th Infantry Battalion sa Barangay Mapulot na parte ng pagpapanatili ng katahimikan sa nasabing lugar, nang sumabog ang isang anti-personnel mine kasabay ng pagpapa-ulan ng mga bala ng mga NPA sa mga nagpapatrolyang sundalo.
Limang CAA ang kumpirmadong patay habang isang sundalo at dalawa pang CAA ang nasaktan sa nangyaring engkwentro. Mababatid na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-gamit ng anti-personnel mine sa ilalim ng UN Anti-Personnel Mine Ban Convention.
Pinuri ni 2ID Commander, Maj. General Roberto S. Capulong ang katapangan at kabayanihan ng ating mga CAA na nag alay ng kanilang buhay para magampanan ang kanilang tungkulin sa bayan habang nagpahayag naman ng pakikiramay at suporta sa mga naulila ng mga napatay na CAA. Nangako rin ito na hindi titigil ang kupunan ng 2ID para tuluyan nang maubos ang mga CPP/NPA sa ating mga kabayanan at makamit ang hustisya ng mga kaanak ng mga nasawing CAA.
Kinondena rin nito ang hindi makataong ginawa ng mga NPA at paglabag sa karapatang pantao maging sa international humanitarian laws.
Dagdag pa ni Maj. General Capulong, ang insidenteng ito ay nagpapakita lamang na nais manggulo at sirain ng mga rebeldeng NPA ang tinatamasang kapayapaan at katahimikan sa probinsya ng Quezon matapos maideklara itong Stable Internal Peace and Security nitong Hunyo 12 ngayong taon.
Ayon kay Maj. General Capulong, sa insidenteng ito, hindi matitinag ang pamunuan at kasundaluhan ng 2ID sa pagbabantay upang hindi na makagawa ng anumang uri ng karahasan at terorismo ang rebeldeng grupo, lalong lalo’t nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.