Pagtatayo ng pangalawang bagong silid-aralan sa liblib na lugar ng Quezon, pinangunahan ng GMA Kapuso Foundation Inc. katuwang ang 2ID
Pormal nang inumpisahan ang pagtatayo ng bagong silid-aralan sa bayan ng Bordeos sa probinsya ng Quezon sa tulong ng GMA Kapuso Foundation, Inc. nito lamang Nobyembre 8, 2023. Layon nitong mapaunlad ang mga edukasyong pasilidad sa mga liblib na lugar ng probinsya.
Pinangunahan mismo ni Ms. Maria Cristina Dungca, na syang kumatawan kay GMAKFI Executive Vice President at Chief Operating Officer Ms. Rikki Escudero-Catibog ang paglalagda sa isang Memorandum of Agreement maging ang pagsasagawa ng ground breaking ceremony sa lugar kasama sina 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong, 202nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Cerilo C Balaoro Jr, mga representante mula sa 546th Engineering Construction Battalion, Bordeos Municipal Vice Mayor Hon. Gina P. Gonzales at ng Department of Education sa pangunguna ni Public Schools District Supervisor, Dr. Leonora T. Mopera.
Matatandaan nitong Agosto ngayong taon, matagumpay ding naitayo sa Binibitinan Elementary School sa bayan ng Polillo ang mga bagong silid-aralan na pinangunahan rin ng GMAKFI kasama ang 2nd Infantry Division, Philippine Army. Ang Tulan Elementary School ang isa sa mga napiling benepisyaryo sa programang ito para matugunan ang kakulangan sa mga pasilidad nito tulad ng silid-aralan.
Siniguro naman ni Ms. Dungca sa mga residente na matibay ang itatayong silid-aralan at kaya nitong harapin ang mga bagyong dumaraan sa kanilang lugar. Nagpasalamat din si Ms. Dungca sa iba’t ibang ahensya gaya ng Manila Water Foundation, SANITEC, Davies, Eagle Cement, Yale, Hanabishi, at Mariwasa na magiging katuwang sa proyekto.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Maj. General Capulong sa GMAKFI dahil sa patuloy na pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan nito sa Philippine Army upang maiparating ang mga proyektong makakapagbigay tulong sa mga mamamayan ng Quezon.
Hinikayat rin ni Maj. General Capulong ang mga magulang at guro na pangaingatan ng mga ito ang itatayong silid-aralan para mabigyan pa ng maayos at magandang kinabukasan ang mga batang papasok dito.
Ang itatayong Kapuso-Type Classrom building ay isang testamento ng nagpapatuloy na suporta ng GMAKFI, Philippine Army, at local stakeholders na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral ng Bordeos, Quezon tungo sa kanilang magandang kinabukasan.