Camp Capinpin, Rizal - Ang 2nd Infantry "Jungle Fighter" Division ng Hukbong Katihan ng Pilipinas ay nagsagawa ng isang send-off ceremony para sa 188 na mga bagong talagang Privates sa kani-kanilang mga yunit kahapon, araw ng Miyerkules, ika-18 ng Mayo taong kasalukuyan. Ang mga bagong sundalong ito ay nanggaling sa ibat ibang sektor ng ating lipunan, may mga “Indigenous people” o IP, may mga nagbalikloob na dating rebelde at karamihan ay galing sa grassroots ng ating “society”. Ang seremonya ay ginanap sa Division Grandstand, na pinangunahan ni Maj. Gen. Rowen S. Tolentino, ang Tagapamuno ng 2ID.
Ang nasabing mga sundalo ay itatalaga sa mga lugar sa timog katagalugan at ilang parte ng Mindanao para paigtingin ang seguridad sa mga nasabing lugar laban sa mga teroristang nais maghasik ng karahasan.
Ipinarating ni Maj. Gen. Tolentino sa mga bagong sundalo ang mensaheng "Yung pag-sapi ninyo sa ating mga yunit ay isang malaking milestone. Isang napaka-halagang kaganapan, dahil kayo ang isa sa mga gagawa ng mga misyon, at mga kailangang tuparin ng ating mga yunit, upang matapos natin yuong ating kinakaharap na mga kalaban na CPP-NPA-NDF. Nais kong tandaan nyo na ang pangunahing dahilan kung bakit kayo naging sundalo ay dahil sa hangarin nating lahat na pagsilbihan ang ating bayan at mamamayan."