Sumentro sa pagkilala sa malaking ambag ng mga sundalo at mga stakeholders ang pagdiriwang ng ika-42 anibersaryo ng 5th Infantry "Star" Division na may temang “Kaagapay ng Bayan para sa Tuluy-tuloy na Pag-unlad at Kapayapaan" nang ika-15 ng Mayo, 2023 sa Tala Hall ng Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.
Pinarangalan bilang Best Battalion ang 95th Infantry (SALAKNIB) Battalion habang Best Division Reconnaissance Company (DRC) ang 52DRC at Best Infantry Company ang Alpha Company ng 17th Infantry Battalion.
Walong sundalo naman mula sa iba’t-ibang unit ng 5ID ang nakatanggap ng Gold Cross Medal- pangatlo na pinakamataas na combat military award sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Katapangan at malasakit upang maprotektahan ang mga mamamayan sa laban sa banta ng terorismo ang ipinamalas nina 1Lt Fredie Catayas, 1Lt Hairam Morato, Ssg Albert Abordo, at Cpl Roldan Galingan ng 17th Infantry Battalion; 1Lt Kenneth Joseph Yabo at Ssg Arnel Sional ng 52nd Division Reconnaissance Company (DRC); at sina 1Lt Raniel Magalso at PFC Loren Gannaban ng 95th Infantry Battalion.
Ang mga Gold Cross Awardees ay mga sundalong napasabak sa engkwentro nitong nagdaang Pebrero hanggang Mayo taong kasalukuyan sa probinsya ng Cagayan na nagresulta ng pagkakarekober ng matataas na kalibre ng baril at pagkasawi ng limang (5) teroristang NPA at pagkakahuli ng isa pa.
Binigyang pagpupugay at pagkilala naman ni MGen Audrey L Pasia, Commander ng 5ID ang mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay upang maipagtanggol ang mga mamamayan laban sa mga teroristang NPA.
Ayon sa heneral, bagamat malaking kawalan sa hanay ng kasundaluhan ang pagkawala ng mga dakilang sundalo, ay sisiguruhin ng kanyang liderato na hindi masasayang ang sakripisyo nina 2Lt Nasser Dimalanes ng 98IB; Corporal Jaime Fontanilla Jr ng 98IB; Pvt Kobee Wackisan ng 52DRC at Sgt Tumbali ng 86IB para sa kapayapaan at kaunlaran ng bayan.
Galing at husay naman ang ipinamalas ng ilang mga opisyal at enlisted personnel na nakaambag sa pagkamit ng 5ID sa layunin nito. Kinilala bilang Best Officer for Administration si Major Erma Ramos, Chief ng Gender and Development Office, 5ID; Best Officer for Operation naman si 1Lt Kenneth Joseph Yabo ng 52DRC habang Best Platoon Leader naman si 1Lt Raniel Magalso ng 95IB. Natanggap din ni TSg Darwin Bernardo ng 95IB ang Best Enlisted Personnel for Operation Award habang Best Enlisted Personnel for Administration naman si PFC John Alindayu ng 54th Infantry Battalion. Hindi naman nagpahuli sa pagpapamalas ng kanyang husay si CAA John Rocky Libangan na kinilala bilang Best CAFGU Active Auxiliary habang Best Civilian Human Resource naman si Ms. Bella Acuyado ng Pension and Gratuity Assistance Office.
Dagdag pa, nabigyan din ng parangal ang ilang mga Battalion sa ilalim ng 5ID dahil sa tagumpay nito na marating ang antas Army Governance Pathway (AGP.) Ang AGP ay programa ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na mayroong apat na antas: Initiated, Compliant, Proficient, at Institutionalized.
Ang AGP Proficient Status with Gold Trailblazer Award ay nakuha ng 54th Infantry Battalion, 17th Infantry Battalion, at 77th Infantry Battalion habang ang AGP Compliant Status naman ay nakuha ng 102nd Infantry Battalion at Initiated Status naman ang nakamit ng 99th at 103rd Infantry Battalion.
Tumanggap din ng Plaque of Recognition ang mga stakeholders bilang pagkilala sa kanilang suporta sa mga aktibidad at programa ng 5ID na naging matagumpay. Personal na tinanggap ito nina Governor Dakila Cua ng Quirino Province, Governor Elias Bulut Jr ng Apayao, Mayor Jorico Bayaua ng Conner, Apayao, Dir Narciso Edillo ng Department of Agriculture Region 2, Dir Lucia Alan ng Department of Social Welfare Region 2 and Development Region 2 at Dr Ricmar Aquino, Pangulo ng Isabela State University (ISU).
Sa mensahe ni MGen Pasia, kanyang tiniyak na ang 5ID ay mananatiling kaagapay ng bayan para sa inaasam na kapayapaan hindi lamang sa nasasakupan nitong lugar kundi maging sa buong bansa.