Serbisyo Caravan sa insurgency-cleared barangay sa Flora, Apayao isinagawa ng PTF-ELCAC

Isinagawa ng Apayao Provincial Task Force-End Local Communist Armed Conflict ang Serbisyo Caravan sa Barangay Upper Atok, Flora, Apayao kahapon, ika-07 ng Hunyo taong kasalukuyan mula nang maideklarang insurgency-cleared ang lugar.

Umabot sa 250 residente ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal at dental mula sa Kagawaran ng Kalusugan at Provincial & Municipal Health Office; libreng gupit naman ang serbisyong inilapit ng kasundaluhan ng 17th Infantry Battalion at ng 1st Apayao Mobile Provincial Force.

Namigay naman ng ayuda ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Apayao habang pinroseso naman ng Philippine Statistics Authority ang registration ng National ID ng mga naturang residente.

Dagdag pa rito, naging sentro rin ng Serbisyo Caravan ang isinagawang public consultation ng Department of Interior and Local Government upang alamin ang mga problema’t suliranin sa kanilang komunidad na maaaring mabigyan ng solusyon ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan.

Matatandaan, na ang Barangay Upper Atok ay naging pugad ng teroristang NPA. Subalit, nang magsagawa ng Community Support Program ang 17IB nawalan ng lugar ang mga terorista taong 2021. Dito na rin nagsimulang pumasok ang mga development projects ng pamahalaan tulad na lamang ng farm-to-market roads.

Una na ring nabigyan ng benepisyo ang ilan sa mga residente matapos silang sumailalim sa Special Training for Employment Program ng Technical Education and Skills Development Authority.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang PTF-ELCAC ng Apayao sa mga residente na patuloy na tumutulong at nagbibigay suporta sa adhikain ng pamahalaan na wakasan ang insurhensiya sa kanilang lugar.