Iprinisinta ng 5th Infantry Division, Philippine Army kay Governor Manuel Mamba ang dalawampu't isang mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Ang mga dating rebelde ay mula sa iba't-ibang mga pangkat na kumikilos sa Cagayan kabilang na ang dalawang may matataas na katungkulan sa East Front ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan na sina Cedrick Casano at Patricia Nicole Cierva na nagsilbi bilang political guide at secretary ng kilusan.
Ikinatuwa ni Gov. Mamba ang panunumbalik ng mga dating rebelde sa pamahalaan at nangakong tutulungan ang mga ito upang makapagbagong buhay ng mapayapa.
Inihayag din nito na handa ang pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng suporta sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program (ECLIP) at maging ng trabaho kung nanaisin ng mga ito ang magtrabaho.
Nilinaw naman nina Cedrick at Patricia na hindi sila sapilitang dinakip at wala rin silang anumang naranasang pananakit mula sa kampo ng militar.
Una na kasing lumutang ang balitang sapilitang dinakip ang dalawa at napabalita ring sila'y nawawala.
"Nakita niyo naman wala akong galos at nasa maayos kaming kundisyon. Kahit pa nga hindi ako humihingi ay mayroon ding mga nagkukusa ngayon na nag-aalok ng tulong para sa amiin," pahayag ni Cedrick.
Siniguro naman ng DILG na maipoproseso ang matatanggap na tulong pinansiyal ng mga sumuko kapalit ng kanilang isinukong mga baril.
Sa panig naman ni Major General Audrey Pasia, commander ng 5th Infantry Division, hinikayat pa nito ang nalalabing mga pwersa ng CPP-NPA na patuloy parin nakikibaka na magbalik loob narin bago pa mahuli ang lahat.
"Nanawagan tayo sa mga nasa bundok pa na magbalik-loob na sila bago pa mahuli ang lahat. Handa tayong kupkupin sila kung magbabalik loob sila," pahayag ni Pasia.
Sa ngayon ay nasa kustudiya ng pamahalaang panlalawigan at ng Philippine Army ang mga nagbalik-loob na mga dating rebelde.