Pinuri mismo ni General Andres C Centino, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines ang tagumpay ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa kampanya nito laban sa insurhensiya sa Lambak ng Cagayan at ilang bahagi ng Cordillera sa kaniyang naging pagbisita sa Camp Melchor F Dela Cruz noong ika-18 ng Abril taong 2023.
Sa kanyang talk to troops, kinilala ng heneral ang katapangan ng mga sundalo ng 5ID na naging daan sa pagkakalinis ng kanilang nasasakupang mga lugar sa impluwensya at presensya ng Komunistang Teroristang Grupo. Aniya, patunay dito ang pagkakabuwag ng mga Guerilla Fronts na nagpahina na rin sa sa pangkalahatang pwersa ng teroristang grupo sa bansa.
Kung kaya, hinamon din ni General Centino ang kasundaluhan ng 5ID na tuluyan ng linisin ang mga lugar na kanilang nasasakupan na mayroon pang natitirang presensya ng mga terorista. Dagdag niya, hindi dapat magkumpiyansa kundi kailangan ng tuluyang tuldukan ang limang dekadang kasamaan ng teroristang grupo."We could not afford na patagalin pa natin ito, dapat tapusin na natin kaya gano'n na lamang ang aking pagsupervise at pagmonitor very particularly of what are needed to be done."
Samantala, kanya rin namang siniguro ang kalagayan at kaligtasan ng mga sundalong nananatiling nasa liblib na mga lugar na patuloy na nagsasagawa ng Focused Military Operations at Modified Community Support and Sustainment Program.
Nakasama rin ni Gen Centino sa kanyang pagbisita si Lt Gen Fernyl G Buca, Commander ng Northern Luzon Command at ilan pang matataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.