CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela – Limang miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley kasama ang isang menor de edad ang sumuko sa 86th Infantry Battalion, Philippine Army sa probinsya ng Quirino noong ika- 26 ng Oktubre taong kasalukuyan.
Kinilala ang mga sumuko na sina alyas Daren, 22 taong gulang, Alyas Dario, 23 taong gulang, alyas LenLen, 17 taong gulang, alyas Jackson, 21 taong gulang at alyas Lea, 31 taong gulang na pawang mga residente ng Maddela, Quirino.
Ayon sa kanila, pinangakuan sila ni alyas Wallen ng magandang buhay kapalit ng kanilang pagsampa sa kilusan. Ngunit, taliwas ito sa kanilang naging karanasan sa kamay ni alyas Andong/Narding. Wala silang nakitang patutunguhan ng kanilang pakikipaglaban sa pamahalaan. Ito ang nagtulak sa kanila upang lisanin ang kilusan at sumuko sa kasundaluhan.
Sa kabilang banda, dahil naman sa implementasyon ng Community Support Program ng 86IB kasama ang ilang mga ahensya ng pamahalaan, naliwanagan ang mga mamamayan ukol sa mga nakalatag na programa’t proyekto ng pamahalaan. Dahil dito, ang mga residente na mismo ang nanghihikayat sa kanilang mga sumampang kamag-anak na bumaba at sumuko sa pamahalaan.
Sa ngayon, ay pinoproseso na ang mga dokumento at papeles ng limang sumuko upang mapabilang sa Alternative Learning System na programa ng Kagawaran ng Edukasyon. Maliban dito, sila rin ay sasailalim sa pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang magkaroon ng oportunidad na maghanap-buhay at madagdagan ang kanilang kaalamang teknikal.
Ayon kay BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, “Ang mahigpit na pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga mamamayan ay pagpapakita lamang na wala ng kabuluhan ang CPP-NPA sa komunidad. Ang damdamin ng taumbayan ay sa agarang pagkamit ng inaasam na kapayapaan at pag-unlad. Damang-dama ng ating pamunuan ang kagustuhang ito dahil sa patuloy nilang panghihikayat sa kani-kanilang mga kamag anak na nalinlang ng teroristang grupo. Muli, bukas ang aming mga kampo pati ng mga kapulisan at lokal na pamahalaan sa pagbabalik loob ng mga nalinlang nating kababayan.”